Pages

Sunday, December 6, 2009

Ang Matandang Tamarindo



Ayon sa matatanda, meron daw isang punongkahoy ng sampalok doon sa isang tahimik na baryo. Ang sabi-sabi, panahon pa raw ng mga kastila ay nanduruon na iyon at ito raw ay naging isang piping saksi sa mga pangyayari noong mga nagdaang panahon magpasahanggang ngayon.

Kami nang aking dalawang pang mga kapatid ay lumaki sa siyudad at ang lugar na pinaglalaruan namin doon ay sementado at di-gaanong kalakihan. Kung ikaw ay lalabas naman ng tarangkahan, ikaw ay masasagasaan ng mga nag-salimbayan na sasakyan. Nung nalaman ko na kami ay lilipat na sa malayo, (sa kadahilanang gagamitin na ng may-ari ang inuupahan naming bahay) ako ay nalungkot.

Hinatid kami ng mga dati naming mga kalaro kasama ng kanilang magulang gamit-gamit ang sasakyan nilang dyip. Sa lilipatan naming bahay duon sa tahimik na baryo na iyon kami ay naglakbay; kasa-kasama rin naming nag-hatid si tiyo Dikoy dala ang kanyang sasakyan.

Habang kami ay paparating na sa lugar, ang unang tumambad sa akin ay ang napakalaking puno ng sampalok na animo'y nakatitig sa akin at mistulang nanlilisik. Ito ay makikita sa tabi ng aming lilipatang lumang bahay na yari sa kahoy. Napakakapal ng mga dahon niyon at ang lalapad ng kanyang mga sanga.

Ang kanyang mga ugat ay animo'y naka-alsa sa lupa na parang gumagapang at ang katawan ng kahoy ay napakalaki; mga tatlong tao na magkahawak pabilog ang katumbas.


Halatang matanda na ang punongkahoy dahil may mga naglalakihang kabuteng hugis-tenga na nakausbong duon sa ilalim ng katawan nito.

Meron ding animo'y maliit na yungib na matatagpuan sa dakong ilalim ng punong iyon, sa pagitan ng malalaking ugat. Aakalain mo tuloy na bahay ng mga duwende ito.

Dahil sa sobrang laki ng punongkahoy, halos siya ang aming pananda pagka kami ay nasa malayo na sa bahay, sapagka't kitang-kita mo ito maski ikaw ay nasa bukid pa lamang.

Napakalaki ng punong sampalok na iyon at kung ihahambing ito sa ibang punongkahoy na makikita roon, masasabing maliliit ang mga ito kumpara sa aming punong tamarindo.

/>Napakalawak din ng lugar para kami ay makapag-laro. Ito ay hindi sementado kagaya ng sa amin sa siyudad.

Ito ay matatagpuan sa harap mismo ng aming bahay katabi ang aming malaking puno na siyang nagsisilbing lilim kapag katanghalian. Ang lugar na nilalaruan namin doon ay lupa na may halong buhangin.


Kapag hinukay mo ito ng di-kalaliman, pinong buhangin na ang makikita.

At ang simoy ng hangin ay sariwa, minsan amoy malansang tubig; mahangin dahil napakarami ng puno. Sa di-kalayuan ay matatanaw mo na ang Laguna de bay.

Paraisong maituturing para sa kagaya kong paslit na taga-siyudad. Makakatakbo ng malaya, makapaghuhukay sa lupa, at kung anu-anu pang mga laro. Subali't sa edad kung iyon na pitong taon, namamayani sa akin ang takot dahil sa higanteng puno ng sampalok na iyon. Para bang ito ay nagbabadya sa akin na huwag lumabas nang bahay, kung hindi ay lalamunin ako ng buhay.

At doon ko narinig ang mga kuwento ng mga matatanda tungkol sa higanteng puno ng sampalok. May nakapagbulong sa akin minsan, nung bata pa ako, na meron daw nagpapakita na pugot na ulo ng pari doon sa malaking sanga sa pinakataas ng puno; minsan daw ang pugot na pari ay nakaputing sutana, o kaya naman ay naka-itim.

Meron ding naglalakad na nakaputing babae sa tabi ng aming bahay, malimit daw iyon magtigil doon sa malaking katawan ng punongkahoy, pagka-gabi.

May nakapagkuwento naman na may mga duwendeng nagpapakita raw doon sa maliit na yungib malapit sa malaking ugat ng punong iyon.

Ang sabi-sabi ng ibang taga-roon din ay mayroong animo'y bulalakaw daw na pumapa-imbulog sa kadiliman tuwing hatinggabi at ito ay nanggagaling dun sa malaking puno na yaon; matapos umikot sa baryo, ito'y biglang hihinto sa puno at maglalaho na lamang na parang bula.

Pagka-hatinggabi rin daw, may pugot na ulo ng baka, na ang kulay ay pula, ang lumalabas sa puno at umiikot o gumagala. Ito raw ay babalik din sa malaking puno na iyon at doon kusang mawawala.

Meron ding nakapagkuwento sa akin na may pugot na sundalong kastila ang nagpaparamdam at nagsasabing may kayamanan daw sa ilalim ng higanteng punong iyon at kung sakaling naisin na kunin ang kayamanan, ito ay may kapalit na buhay.

May nagsasabi naman na may nakikitang kapre raw doon;

Meron naman, tikbalang at may mga dating sundalo raw ng hapon ang nag-baon ng mga kayamanan doon sa ilalim ng malaking sampalok na iyon.

Lahat ng mga iyon ay kuwentu-kuwento ng mga matatanda at ito ay naiuulit din naman sa akin ng mga kalaro ko kapag kami ay nagkakatipun-tipon sa ilalim ng aming punongkahoy.

Ang mga kuwentong iyon ay sapat na para hindi ako makatulog sa gabi at matakot kapag may narinig na kumakalampag sa bubungan namin.


May pagkakataon pa nga, habang ako'y naglalaro sa labas ng aming bahay at magtatakip-silim, natatakot akong tumingin sa malaking puno baka kasi may taong nakabigti sa mga sanga nito o di kaya ay salubungin ako ng multo kaya't ang ginagawa ko ay tumatakbo ako ng matulin hanggang sa makapasok ako sa loob ng aming bahay sabay sarado ng pintuan namin.

Subali't sa mura kong edad na iyon, parang may kakaibang pakiramdam din ako tungo sa malaking puno ng sampalok namin na iyon bukod sa takot. Para sa akin, para siyang isang haligi na sumasanggalang sa lahat ng mga panganib dahil sa kanyang napakatayog at napakalapad na mga sanga at malalaking mga ugat.

At ang kanyang katawan at balat na napakatanda na kung pagmamasdan, para bang maisasahalintulad sa isang uugud-ugod na ermitanyo na handang magbigay ng kanyang dunong at karanasan sa mga paslit na katulad namin nung mga panahon na iyon.

Dumating ang mga taon, ang takot na naramdaman ko ay napalitan ng pagka-gaang ng loob sa higanteng punongkahoy na iyon.

Natatandaan ko pa, sa tuwing papasok ang buwan ng Setyembre hanggang Pebrero, para bang ang malaking puno ay nakiki-ayon sa panahon. Ang kanyang mga maliliit na dahon ay unti-unting naglalagas at bumabagsak sa lugar na pinaglalaruan naming lupa sa ilalim ng puno.

Mistulang kami ay nasa ibang bansa at umuulan ng niyebe! Sa sobrang dami ng mga nahuhulog na tuyong dahon sa puno, animo'y may kumot na nakalatag sa lupa sa aming tapat na bahay.

Ang kulay niyon ay mamula-mula na kayumanggi o di kaya ay kulay kahel at ang halimuyak ng tamarindo ang dumadampi sa hangin.

Nguni't sa kagaya kong paslit, hindi ang halimuyak ng puno ang importante kundi ang makapag-laro kami! At sa kumot na yari sa mga mumunting mga dahon na yaon doon kami naghahabul-habulan, nagmomoro-moro, mataya-taya, langit-lupa at hinanduyan.

May pagkakataon pa nga na dinadakot ko ang mga tuyong dahon na iyon at binibilog sabay ipupukol ko sa aking dalawang kapatid at mga kalaro at ganun din ang gagawin nila sa isat-isa habang naghahabulan;

Animo'y isang bola ng niyebe na napapanood sa sine pagka-pasko!

Sa mga buwan o panahon ding ito, namumunga ang aming higanteng tamarindo. Minsan nakakakuha kami ng isa hanggang dalawang bayong na tamarindo at ito ay mga hinog, bukod pa dito ang manibalang. At para makakain ka naman ng hinog na sampalok ng hindi umaakyat sa puno, maghintay ka lamang ng malakas na ugoy ng hangin at siguradong may babagsak na mga hinog na bunga sa lupa.

Para sa akin, ang pinakamasarap ay ang malasebo o manibalang na bunga.




Pagdating naman ng mga buwan ng Mayo hanggang Agosto, ang mga tuyong sanga ng tamarindo ay nagkaka-buhay. Nagkakadahon at namumulaklak na ito.


Napakagandang tanawin din kapag bakasyon; ang mga mumunting bulaklak ng sampalok ay unti-unting bumabagsak sa lupa at nagkukulay dilaw ang paligid. Ang mga bulaklak na ito ang siyang ginagamit namin na pangsigang o pang-sahog sa ulam.

Napakasarap sariwain... Sa malapad at napakalaking katawan ng aming punong tamarindo na iyon kaming magkakapatid sumisilong pagkatanghalian.

Kapag hapon naman kami ay naglalaro, kasama ang mga kapwa paslit naming mga kaibigan ng taguan, kurikit, tumbang preso, piko, patintero at iba pa.

Animo'y masayang nagmamatyag naman ang higanteng puno sa amin na para bang nagmamasid lamang habang naglalaro kami sa kanyang lilim.

Inaakyat din namin ang kanyang malaking katawan at malapad na mga sanga at naghahanap kami ng mga pugad ng ibon at mga bunga.

Bagama't hitik sa higad at antik ang punong iyon, marami pa ring mga bata ang naeengganyo na umakyat sa napakalaking katawan at malapad na sanga niya na iyon.


Pagka-gabi naman, napakalamig dahil sa kanyang mga sanga at mga dahon na mayayabong at nakatutuwang panoorin ang isa-isang pagbagsak ng mga tuyong dahon sa lupa at unti-unting kumakapal ang mga ito.


Sa aking pakiwari,ang higanteng sampalok namin na iyon ay may ibig nang ipahiwatig noong pang mga panahong kami'y masasayang paslit na kung saan ay walang kapaguran na naglalaro sa kanyang lilim; nguni't iyon ay hindi ko man lamang napakinggan.

Para bang may sinasabi siya sa aming mga naglalaro nuon doon na: " Sige, mag-laro kayo mga bata, namnamin niyo na ang mga kaganapan ngayon, dahil sa ako'y tumatanda na; hindi ko alam kung ako ay magiging saksi pa rin sa mga pangyayari. Ako ay napapagod na rin" aniya marahil.

Sa kadahilanang ang direksiyon ng pag-unlad ay hindi na mapipigilan lalung-lalo na sa aming bayan, ang aming malawak na pinaglalaruan noon ay pinaderan na. Bagama't may konting lugar pa para maglaro doon sa may bandang puno ng sinigwelas, unti-unti na ring itong napalitan ng mga bahay. At dahil sa nakasasagabal ang malalaking sanga at dahon ng aming punong tamarindo sa mga bahay at bubong, ito ay pinutol. Ang natira na lamang sa puno ay ang malaking katawan niya sa tabi ng aming bahay. Ang malawak na lugar na pinaglalaruan namin sa harap ng bahay ay tuluyan nang nasarahan. Napilitan kaming dumaan na lamang sa likod-bahay at ang lusot nito ay sa kabilang kalsada na.

Pagkalipas ng ilang taon, napilitan uli kaming lumipat ng ibang tirahan. Binagyo kasi ang aming lugar at binaha, marahil sa sobrang dami na ng bahay at pati na rin tao. Wala nang pagdaluyan ang tubig kaya't abot hanggang binti ang baha sa may bahay namin. Panibagong buhay, panibagong pakikisama. Nanumbalik tuloy uli sa akin ang mga pangyayari dati na kung saan galing kaming kabihasnan at napalipat sa lalawigan.

Nagwakas na nga ang masasayang panahon ng aming pagka-bata. Tama nga, lahat ay nagbabago, lahat ay lumilisan. Walang permanente dito sa mundo. Ang sabi nga; "Lahat tayo ay dumadaan lamang." Nguni't kahit man lang sana sa isang gahiblang alaala ng masasayang kaganapan sa ating buhay ay sapat na upang ito ay magsilbing inspirasyon sa atin ng ganap. Parang isang marikit na bulaklak na namumukadkad, humahalimuyak at kahali-halina. Hindi mo ito puwedeng pagbawalang mamukadkad sapagka't ito ang itinadhana.

Malalim at di-pangkaraniwan ang mga iniwan na alaala sa akin ng malaking puno ng sampalok namin na iyon. Nalulungkot ako at di man lamang ako nakapag-paalam sa kanya. Ilan pa kayang kagaya ko na musmos dati ang napasaya niya? Ang sabi-sabi, panahon pa raw ng kastila nanduruon na siya. Ilan pa kayang mga paslit ang nasubaybayan niya hanggang sa pag-laki at nakapag-ukit ng magandang mga alaala sa mga ito.

Nakakahiya mang aminin pero ako ay naging isang tahimik na saksi sa pagwawakas niya. Di na tuloy siya makapag-bibigay ng kasiyahan sa mga susunod pang mga henerasyon ng mga paslit doon. Sinasabing ang NASA TAAS lamang ang makapaghahatol kung ang isang nilalang ay kukuhanin na. Sa kaso ng aming malaking puno, ito ay oras na; at kung hindi man nagkagayon ang mga pangyayari, maaaring sa panahon ngayon iyon din ang kanyang kahihinatnan; ang maputol siya kapalit ng pag-unlad ng bayan.


Nasaan na kaya ngayon ang minamahal kong makisig na punongkahoy na sampalok na iyon? Siya ay nanduruon pa rin, matatag na nakatayo; o tila baga siya'y nagkukunwaring matatag na lamang.
Bagama't ang kapirasong pinutol na maikling katawan na lamang na nakabaon pa rin sa lupa ang taglay kong alaala, ito nama'y nagsisilbing patunay , na minsan ay may isang higanteng puno ng sampalok na hitik kung mamunga; malalaki at malalapad ang mga sanga na mistulang aabot hanggang langit; at mga luntiang dahon na mayayabong, ang naghari sa lugar na iyon.

Sa ngayon, siya ay napaliligiran na lamang ng mga pader at mga bahay. Napaka-sikip at makipot na ang kanyang teritoryo. Hindi ko tuloy mawari kung siya ay buhay pa, o siya'y nagpapatay-patayan na lamang. May tumutubong maliliit na talbos ng tamarindo subali't namamatay din sa kalaunan.




thanks to the ff:

mygoodpaintings.com/ emanuel's gallery
zedge RezaKhonsa&draganet
overlandsinindia2009.blogspot.com
thejamalpu.wordpress.com
picasaweb.google.com
isaanstyle.blogspot.com
chintachiguru.flickr.com
stjohnbeachguide.com
www.kriyoga.com

No comments:

Post a Comment