"Isa ba itong babae o lalaking bigotilyo? Ano ang nasasa-isip mo?"
November 23, 1991
9:20 pm Saturday
Ang isang matalinghagang tao ay umuunawa kung ano ang "nasasa-isip" ng kanyang kausap at hindi ang mga salitang namumutawi sa bibig lamang nito, sapagka't maaaring magkamali ang bibig sa pananalita subali't sa gawi, ito ay mahahalata.
Kung ikaw ay isang mabuting tao, nasasa-isip pa lamang ng iyong kinakausap ay alam mo na ang kanyang ibig ipahiwatig. Lahat tayo ay may kaangkinang ganito subali't ito ay napapalamutian na ng mga makamunduhang pagnanasa sa ngayon, kung kaya't ito ay may posibilidad na tuluyan ng mawala sa ating pagkatao.
Maaaring ang pagnanasa natin ng mga pinakamadaling lusot sa ating mga buhay; o di kaya'y ang pagtangkilik natin ng mga negatibong asal, tulad na lamang ng mga makamundong bagay; kagaya ng kapangyarihan sa poder at salapi, ang dahilan kung kaya't nawawala na sa atin ang mabuting katangian o ang tinatawag na KAPANGYARIHANG ito.
"Matandang lalaki o makisig na binata? Ano ang nasasa-isip mo?"
Halimbawa, nakikipag-usap sa iyo ang isang apat na taong bata. Hindi niya mai-usal ang gusto niya, subali't naiintindihan mo naman ito sa kabila nang nau-uumit niyang dila. Ito ay naunawaan mo sa kadahilanang ito ang tunay na "nasasa-isip" nang bata.
Meron din namang taong nakikipagtalastasan sa iyo subali't hindi mo mawari kung ano ang nais niya. Bagama't napakagaling naman niyang magpaliwanag, hindi mo maunawaan kung ano ang ibig nitong ipahiwatig. Iba ang sinasabi niya sa "nasasa-isip" niya. Maaaring ang gawi niya ay di-angkop sa ipinapahayag niya kung kaya't di siya kapani-paniwala.
Sa aking palagay, mas makabubuti sa ating lahat kung tayo ay marunong makaunawa ng "dalisay" sapagka't ito ang tamang itinuro sa atin. Ang taglay nating ito ay napasa-atin na sapul ng ipinanganak tayo. Hindi nga lang natin ito kinalinga at ipinagyabong hanggang sa tuluyan na itong pumaimbulog sa kawalan.
Hindi ito naaangkin sa pamamagitan ng pagiging dalubhasa o di kaya ay magsunog ng kilay upang ito ay makamit. Ito ay nanunumbalik lamang sa ating katangian, kung tayo ay mamumuhay ng payak at tigib ng kabutihan ang ating kalooban. Dapat din ay busilak ang ating mga puso.
"Isang matandang hukluban o marikit na dalaga? Ano ang nasasa-isip mo?"
No comments:
Post a Comment