Pages

Saturday, July 30, 2011

Garapon


June 09, 1996
11:30 pm Sunday


Napapansin mo ba minsan sa kusina ang mga langgam na hili-hilerang gumagapang na para bang may prusisyon; at kung susubaybayan mo ang pinakahuli nito, nasa may mga pagkain pala sa lamesa nagkukukumpulan ang mga ito? Ang kuwentong ito ay tungkol sa mga langgam na maihahalintulad din sa mga tao.


May mga grupo ng langgam ang nagpipista at kumakain ng asukal sa loob ng garapon.

Dahil sa masarap ang kanilang kinakain, hindi nila makuhang umalis sa garapon ng asukal bagama't may nakaambang panganib.



Nang mapansin ng may-ari ang mga langgam sa loob ng bote ng asukal, pinaaalis niya ito sa pamamagitan ng pagpapag-pag.



Kakaunting langgam lang ang umaalis.

Dahil sa maawain ang may-ari, hindi niya ito pinatay bagkus pinabayaan na lamang niya ang mga ito na makalabas.

Nakalipas na ang mahabang oras ay marami pa ring mga langgam ang nasa loob ng garapon.



Ang ginawa ng may-ari ay isinarado na lamang niya ito.

Dahil sa naka-ambang panganib, may mga langgam na nag-aatubiling lumabas sa bote at ang mga iyo'y nakatakas; subali't ang iba'y nahuli na, sapagka't ito'y sinarahan na ng mahigpit ng may-ari.

Ang mga nalalabing pang mga langgam ay takam na takam na kumakain pa rin ng asukal sa loob ng garapon at di nila alintana ang mga nangyayari sa kanilang kapaligiran.


Nakita ng maawaing may-ari ang mga langgam kaya't binuksan na lamang niya muli ang garapon at pinabayaan na lamang na makatakas ang mga langgam. Nguni't ang karamihan sa mga ito ay ayaw pa ring magsi-alis at patuloy pa rin sa pagkain. Sa kahuli-hulihang pagkakataon ito ay binuksan ng may-ari hanggang sa...


Napagod na ang may-ari sa kahihintay kaya't hinigpitan na muli nang may-ari ang takip ng garapon at pinabayaan na lamang ang mga langgam sa loob. Namatay sila dahil sa sobrang higpit ng pagkasara sa garapon, walang hangin na makapasok sa loob nito.


Awang-awa ang mahabagang may-ari subali't hindi nakinig ang mga kaawa-awang mga langgam, sa halip, takam na takam pa sila sa pagkain sa garapon.



Ang tao'y parang mga langgam. Napakamaawain ng Diyos sa atin; makailang beses niya tayong binabalaan, sinasabihan; subali't tayo ay hindi nakikinig. Sa halip ay patuloy pa rin tayo sa ating makamundong hilig. Ilang beses na tayong pinagsabihan nguni't ayaw nating makinig.

Balang araw, kailangan na tayong kalusin kahit na gaano pa kabait ang ating may-ari kung lahat tayo'y hindi makikinig sa kanya, maaaring ganun din ang ating sasapitin, tulad ng mga langgam sa garapon.






salamat po sa mga imahe:
zedge, superstock.co.uk, buffalobeast.com,ask.com
wildaboutants.com, varbak.com

No comments:

Post a Comment