Pages

Sunday, July 31, 2011

Pagpapahalaga



June 2004
8:30 pm Wednesday

Kaya masarap ang isang tagumpay ay hindi dahil lamang sa magandang buhay na tinatamasa kundi sa hirap at sakripisyo bago ito makamtan.

Kaya siguro hindi masaya ang iilan sa kanilang mga ipinagtagumpayan marahil ay hindi nito dinanas ang sakripisyo o paghihirap na kinakailangan.

Hindi nila inilaan nang buong puso at isip, manapa'y pagpapahalaga sa kanilang mga pinagtutuunang gawain.

Ang isang taong kuntento sa buhay, bagama't nagpakahirap at nagpahalaga, nalulugod sa kung anumang meron siya.

Ang halimbawa ng isang dalisay na sakripisyo ay ang ginawa ng panginoong hesukristo para sa atin. Ang sakripisyong iyon ay hindi para kalugdan siya ng diyos Ama kundi para tayo ay kanyang mailigtas. Sa katunayan nga, para sa akin marahil, balatkayo lamang ang mga pangyayari na kung saan ang pagkakaalam ng lahat ay napatay nila si hesukristo. Ikinalugod ng marami ang pagkamatay niya.

Subali't kay kristo, upang matahimik na nga lamang at ikagalak na ng mga taong nagaalipusta sa kanya, siya ay nagpakita ng kahinaan, kababaang loob. Ito ay sa pamamagitan ng kanyang dusa at kamatayan sa ilalim ng mga nakatunghay na mga nangaalipustang mga mata ng mga taong iyon. Lingid sa kanila, ginawa ito ng panginoon upang tayo'y tulungan.

Inyong natatandaan ba nang sabihan si Abraham ng Diyos Ama na isakripisyo ang kanyang kaisa-isahang anak na si Isaac subali't binago nang diyos Ama iyon at sa halip ay tupa na lamang ang isinakripisyo?

Marubdob ang pagpapahalaga ni Abraham sa kanyang anak na si Isaac. Ang katagang "sakripisyo" ay halaw sa pagbibigay-loob ng walang hinihintay na anumang kapalit, ito ay may kalaliman ang kahulugan kumpara sa katagang "pag-aalay".

Kung ang kasaganaan ay hindi nag-ugat sa pagtitiyaga, sakripisyo o pagpapahalaga; ang hinihintay na gantimpala, sa isang taong walang kabusugan, animo'y hindi na dumarating ang kasaganaan.


Samantalang kung ito ay mula sa hirap at pagod, ninanamnam mo ito. Hindi ba't ang kasaganaan habang tumatagal nauubos din? Subali't ang iyong sakripisyo, determinasyon o pagpapahalaga sa isang bagay o gawain, hindi ito mawawala bagkus iyung sasariwain sa iyong mga alaala paulit-ulit. Ito'y magsisilbing inspirasyon upang huwag mapanghinaan ng loob.





Merong dalawang magkaibigan na nagpapaligsahan. Kung sino ang makakaipon ng pinakamalaking pera sa loob ng tatlong araw siya ang panalo at may gantimpalang makukuha.

Si Juan, ang ginawa'y nagsipag, nagtrabaho at nag-ipon para makakuha ng malaking pera.

Samantalang si Pedro ay nagsanla at umutang, samakatuwid ay hindi nagpakahirap.

Ang pabuya na makukuha ng mananalo lingid sa kanila ay pera rin.


Sa ikatlong araw, mas maraming perang naipakita si Pedro laban kay Juan at naiuwi niya ang gantimpala.

Walang pagsisising makikita kay Juan kahit siya'y talunan sapagka't ginawa naman niya ang dapat gawin at nakita niya kung pa'no siya magsakripisyo at magsumikap kung pipilitin.

Samantalang si Pedro at ang kanyang gantimpalang pera, ito'y pinambayad niya lamang sa kanyang mga inutang at isinanla. Ang kaisipang panalo o gantimpala ay walang halaga kay Pedro bagama't siya ang nagwagi.

Balewala lahat ang kanyang mga pinag-aksayahang panahon.

Inis halip na galak ang nararamdaman ni Pedro nang siya ang manalo.

Ang nagpapatatag sa isang tao ay ang mga karanasang nagbunsod sa kanya na magsikap, magtika at magparaya.

Ang bunga ng mga paghihirap na iyon ay isang kunsuwelo na lamang.

Hindi kailanman naging sagabal ang mga ito upang maging matagumpay ka sa buhay bagkus ito ang iyong mga sandata kung sakaling ikaw ay madapa at di nakamit ang tagumpay.







salamat po sa mga pic:
zedge, the pinoy warrior, Datgirl, mga kuwentong liyad
at musin yohan gallery

No comments:

Post a Comment