Pages

Sunday, August 21, 2011

Anghel sa Lupa


March 28, 1997
3:00 pm Thursday

Ang buhay sa mundo ay punung-puno ng misteryo maging ito'y sa paniniwala man o pananamplataya. Tayong lahat ay nabubuhay at namumulat sa mga sari-saring paniniwala na mga ito.

Sa panahon na ito (1997) hindi ko mawari kung kailan ang ating mga huling sandali; maaaring sa darating na siglo (2000), maaari namang hindi. Ano ba ang halaga ng buhay natin? Nagawa na ba natin ang mga nais nating gawin?


Sa ngayon, animo'y lahat ng mga bagay ay paunlad na ng paunlad at umuusad tungo sa katatagan dulot ng ating mga natutunang aral sa mga nagdaan na mga panahon. Marami na ding mga naunang pananampalataya ang di na mabubuwag ang mga pundasyon.

Ang tanong nga lamang, natugunan na kaya ang mga hapis ng sangkatauhan?

Marami na ring mga makabagong pananamplataya sa ngayon ang nagbabalita na sila ang tunay na daan tungo sa bagong henerasyon; nguni't, napakikinggan ba ang hiling ng mga naghihirap at nagdadalamhati nilang mga nasasakupan ?
Labis-labis na ang mapupulot na mabubuting aral dito sa daigdig, at ito marahil ay nag-ugat sa magaganda at mabubuting mga paniniwala natin.

Madami na rin dito sa mundo ang unang nagpasimula at ngayo'y lumaganap na mga mabubuting pananamplataya, na kung saan, ito ang nagsisilbing pamantayan natin sa pangkasalukuyan. Ito ang ating saligan o di kaya naman ay ating pundasyon sa mga mabubuting salita ng diyos.

At ang lahat ng mga ito ay para sa katugunan naman ng lahat; subali't sa akin lamang, animo'y walang pagbabago. Ang mga aral na ito ay malaon nang hinog upang isakatuparan natin sa buhay.


Ang pagbabago ay nagmumula sa atin, sa sarili; ang pananampalataya ay instrumento lamang upang magampanan natin ang nais ng diyos sa atin at ito ay ang paggawa ng mabuti sa kapwa.

Siguro ay ngayon na ang tamang oras upang ang ating paniniwala ay ipagbigay-diin sa atin ang paggawa ng kabutihan. Tumulong tayo sa mga nangangailangan.



Halimbawa ay ang mga mahihirap na walang makain, mayayaman na hindi alam kung saan ang tamang daan tungo sa kabutihan, kriminal upang sila ay magbago sa kanilang mga masamang gawain; mga bata upang gumawa ng mabuti; mga matatanda upang mapalaganap pa ang kanilang mga mabubuting karanasan sa buhay.

Matagal na ring di nakapagsusulat...

Madami na ring mga nangyari... subali't hindi pa rin alam kung ano ang gagawin sa buhay...

Mahal natin ang ating paniniwala ...subali't hindi maipakita sa sarili ang makatulong man lang sa kanyang kapwa...

Nauubos na ang mga sandali... maraming nangangailangan;

Tanging diyos lang ang nakakaalam lahat.


Maraming anghel dito sa lupa ngunit kakaunti lang ang may alam nito. Maraming nagdarahop sa daigdig.

Pasan-pasan nila ang kanilang mga pasakit at problema na ang may gawa din kalimitan ay ang kanyang kapwa.

Hindi ba't minsan ay may dumarating na mabubuting mga tao sa oras ng iyong pangangailangan o kagipitan?
Hindi ba't minsan sa oras ng iyong pagdarasal at akala mo'y wala ng nagmamahal sa iyo, may isang tao na di mo naman kakilala ang lalapit at magmamagandang loob sayo na ika'y tulungan?

May mga taong hindi nagsasalita subali't nandiriyan kung kinakailangan at nakikita mo sa kanilang mga mata na sila ay maligaya lingid sa iba kung sila'y nakatutulong.

Hindi nila kailangan ang bantayog o isang papuri dahil para sa kanila, nakamit na nila ang kapurihan at ito ay ang kasiyahan sa puso ng makatulong sila sa mga taong nangangailangan.
Ito ang mga anghel na tinutukoy ko.

Hindi ba't kung ikaw ay nakakatulong sa iyong kapwa lalo na't yung mga taong labis nang nahihirapan, ay nag-uumapaw ang kasiyahan mo sa sarili at hindi mo maipaliwanag ang pakiramdam na iyon.

Para sa akin, walang katumbas ang pakiramdam ng kagalakan kapag ikaw ay nakatulong sa kapwa.

Ito ang mga anghel sa lupa na tinutukoy ko na siyang "tahimik" na lumalaban sa kasamaan.


Hindi natin sila nakikita araw-araw at bihira silang mapansin;

Subali't kung ikaw ay natulungan na nila at sila'y iyong maalaala, sapat na sa kanila iyon;

Animo'y papuri na rin ito sa kanila, sapat na ang simpleng salamat na mamutawi sa mga labi ng mga nangangailangan.


Hindi nila kailangang magpakita sa iyo araw-araw. Tama na yung maalaala mo sila kung ika'y may problema o basta na lamang maalaala ang kanilang ginintuang puso kahit hindi inaasahan. Kung sa akin lamang, ito ang mga taong kinakailangan natin ngayon sa mundo. Mga anghel dito sa lupa.







salamat sa mga sumusunod:
zedge: amir7799, zuror, jarowder, anxiety79,omerjaved,puppy1960,sravya20305, cemee
thehusbandspeaks.ph, banderablogs.wordpress.com,talkphilmusic.com.ph,

1 comment: