Pages

Sunday, August 21, 2011

Ulo Ng Mga Balita





APRIL 17, 1997
10:00 am Friday

Sa mga diyaryo o telebisyon, kapag ang isang bagay na mahalay ay inilahad sa pahayagan o TV, dalawang bagay lamang ang maaaring mangyari; ang una ay makapagbibigay aral ito sa lahat na ang ginawang iyon ay masama, ito ay karumaldumal at itinatatwa ng pamayanan.

Ang pangalawa naman ay bagama't masama ito, pamamarisan ng iba o gagayahin ang gawaing iyon na masama.

Ang pag-iisip sa sarili na "nagagawa naman pala ito ng iba, bakit ako hindi ba puwede?" ay isang kaisipang mapanganib at dapat mahinahon na pagnilayin ng konsensiya.

Tulad na lamang ng titulong "Ama, nilapastangan ang sariling musmos na anak" sa isang diyaryo o sa isang TV. Ito'y hindi katanggap-tanggap na gawain sa isang pamayanang marangal at mapayapa. Ito'y itinatakwil ng sino man.

Sapul sa kabataan alam natin na ang gawaing ito ay napakasama; sa kadahilanang ang naaapektuhan ay musmos at ang pinakamabigat pa nito ay sarili niya pang anak ang ginawan ng krimen.

Subali't napapansin mo ba, na may ilan-ilan pa ding gumagawa ng mga kahalayang krimen na ito. Hindi kaya dahil sa kanilang mga nababasa at napapanood araw-araw? May mga bagay-bagay na maaari namang isiwalat sa pahayagan o telebisyon na maayos ang pagkakalahad.


May mga bagay din naman na mas mabuting hindi na maipakita sa kadahilanang ito ay di karapat-dapat at nakalalason ng isipan.

Sana'y makita ng mga kinauukulan ang responsibilidad na nakaakibat sa pamamahayag maging sa diyaryo o TV.

Dahil sa kung anung nakikita o nababasa ng bawa't isa sa atin (maging sa ulo pa lamang ng mga balita at hindi ang kabuuan ng istorya) ito ay tatatak na sa isipan natin.


Kung ang pag-gunaw ng mundo halimbawa ay ipinalalabas sa TV o pahayagan araw-araw, minu-minuto o di kaya naman ay ang laging ulo ng mga balita araw-araw ay ang paghalay sa sariling anak ng isang tatay, hindi kaya maisasawalang bahala na lamang ito ng mga nakararami?


Tatanggapin na lamang ito ng lahat na para bang pangkaraniwan na lamang ang mga ganitong pangyayari.

Magiging manhid na tayo sa ating mga paligid at maaaring ikatuwiran natin sa sarili na ang mundo ay sadyang nagbabago at pangkaraniwan lamang ang mga ganitong balita sa panahong ito.

Pangkaraniwan nga ba kaya ang mga balitang ganito?






Salamat sa mga sumusunod:
sorrywvwordpress.com, zedge, allvoices.com, u4mix.com, anec.org.com
pelikulaatbp.blogspot.com at ezwealthymoney.com

No comments:

Post a Comment