!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!i!
Thursday, August 25, 2011
Tungkol Sa Di-Pagkakaisa
June 17, 2004
5:00 am Thursday
Ang kalagayan ngayon ay napakaselan; may mahihirap, may mayayaman; iba't-ibang pananaw at prinsipyo. Sino kaya sa atin ang higit na kaawa-awa? Hindi ba't ang mga mahihirap? Kahit o anuman ang gawin, walang lakas ang sinuman sa lipunan kung siya'y walang pera, walang karunungan.
Maraming mahihirap ang sumusuporta sa isang tagapangulo na sa ganang kanila ay nakaiintindi sa kanilang kalagayan. Ang mga nakaaangat naman sa buhay ay sumusuporta sa isang personalidad na ang tinitindigan ay ang kanilang mga interes.
Dito nasasalamin sa lipunan kung sino ang mas marami at mas mahirap. Sino ang maiimpluwensya at sino ang hindi. Di-lingid na mas maraming tao ang sumusuporta sa makamahirap na tagapangulo laban sa tagapangulong makamayaman.
Sa kadahilanang marami sa atin ang mahihirap. Ito' y mga ordinaryong tao lamang at di-makapangyarihan. Wala silang magagawa kundi harapin ang masaklap na katotohanan na sa kapanahunang ito, ang mayayaman ang nananaig.
Subali't ano ang magagawa ng isang may kakayanan o talino upang ang kalagayan ng mga kasama niyang isang kahig isang tuka ay mamulat sa katotohanan? Ito'y ang pag-unawa sa kanila at hindi ang laitin sila. Pakinggan dapat at hindi sermunan; maging patas sa lahat ng bagay; kung anuman ang tama ay maging huwaran.
Maihahambing ito sa isang bata. Kapag ang bata ay may gusto na isang bagay at hindi ibinigay, iiyak ang bata. Ano ang gagawin ng isang ina? maaaring paluin ang bata at hindi ibigay ang nais nito; maaaring lansihin ang bata upang tumahan hanggang sa ito ay malibang, o maaaring ibigay na lamang ang hinihingi ng bata at paliwanagan o ipakita na lamang ang tungkol sa asal na nararapat kapag may gusto itong bagay . Ano sa palagay n'yo ang mas nararapat?
Ang ating mga kababayang kapos sa kaalaman ay parang isang sanggol na dapat arugain, mahalin at intindihin. Kung hindi mo mahal ang bayan bagkus ang sarili mo lamang ay hindi mo maiintindihan ang ibig kong sabihin.
Maaaring salungat ang aking pag-unawa sa iba subali't nais ko lamang tumulong at maghanap ng kaliwanagan kung bakit tayo nagkakaganito ngayon.
Ang isang tao, kapag nakikitang sila ay naaapi, lalong sumisilakbo ang damdamin, lalong nagkikimkim ng galit , lalong nagkakaroon ng pagkahiwa-hiwalay.
Maging patas tayo sa lahat ng ating mga gawain.
Hindi ba't isa sa mga nasasaad na makataong prinsipyo ay ang tulungan ang mga mahihirap at ang mga mas nangangailangan?
salamat sa mga sumusunod:
zedge missMio, kapirasongkritika.wordpress.com,silipsaparaiso.blogspot.com
the pinoycatholic.blogspot.com, onlinearchitect-nl.com, talkayanatkalusugan.com
Jesusabernardo.blogspot.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment